EPISODE · Aug 25, 2023 · 4 MIN
Mabuting Balita l Agosto 26, 2023 – Sabado
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Agosto 26, 2023 – Sabado Sabado ng Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon Santa Maria de Jesus Crucificado Ebanghelyo: Mt 23:1-12 Sinabi ni Hesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi subalit huwag silang pamarisan sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitantao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawait sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao. “Huwag kayong patawag na 'guro' sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din ninyong tawaging 'ama' ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na 'gabay' sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang magpapakataas at itataas ang nagpapakababa.” Pagninilay: Mga kapanalig, nais kong bigyan ng pansin ang isa sa mga mahahalagang bagay na narinig natin sa ating Mabuting Balita ngayon. Sinabi ng Panginoong Hesus, “Kaya't gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos, pero huwag ninyong tularan ang kanilang ginagawa dahil hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinapangaral.” May kasabihan tayong “Walk the talk” na ang ibig sabihin, gawin mo ang sinasabi mo o isabuhay ito upang paniwalaan ka ng iba. Ang mga magulang, ang ating pamilya ang unang mga guro kung saan natutuhan natin ang mga mabuting asal. Salamat sa ating mga magulang at mga kapatid na nagturo sa atin ng maraming bagay. Ang kanilang “good example” ang ating naaalala upang tularan at gawin din ito. Nawa’y maging saksi o instrumento tayo ng pagmamahal ng Diyos sa ating kapwa, sa isip, sa salita at sa gawa. MANALANGIN TAYO: Panginoong Diyos, maraming salamat po sa araw-araw na mga biyaya! Salamat po sa mga taong nagpakita ng mabuting halimbawa upang matularan at makita ang iyong kabutihan. Sa aming pagkukusa, na sumunod sa iyong kautusan upang ipalaganap ang Mabuting Balita, nawa’y makita po ito sa aming buhay bago pa man namin maipangaral, amen. - Sr. Mennen Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Agosto 26, 2023 – Sabado
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.