EPISODE · Dec 10, 2023 · 4 MIN
Mabuting Balita l Disyembre 11, 2023 - Lunes l Ikalawang Linggo ng Adbiyento
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Disyembre 11, 2023 - Lunes l Ikalawang Linggo ng Adbiyento Ebanghelyo: Lucas 5:17-26 Isang araw, nagtuturo si Hesus at nakaupo naman ang mga Pariseo at mga guro ng Batas na galing sa iba’t ibang bayan ng Galilea at Judea at mula sa Jerusalem. Gumagawa ang kapangyarihan ng Panginoon sa kanya na magpagaling. May mga lalaking dumating na dala sa isang papag ang isang lalaking paralitiko. Sinikap nilang dalhin siya at ilagay sa harapan ni Hesus. Nang hindi nila makita kung paano nila madadala ang paralitiko dahil sa dami ng tao, umakyat sila sa bubungan at sa bubong nila idinaan siya pababa na nasa kanyang papag hanggang sa gitna sa harap ni Hesus. Nang makita niya ang kanilang pananalig, sinabi niya: “Kaibigan, pinatatawad ka sa iyong mga kasalanan.” Nagsimula noong mag-isip-isip ang mga guro ng Batas at mga Pariseo: “Talagang iniinsulto ng taong ito ang Diyos. Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Hindi ba’t ang Diyos lamang?” Ngunit alam ni Hesus ang kanilang mga pag-iisip kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan ninyong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatatawad ka sa iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka’t lumakad.’? Dapat n’yong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng mga kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Sinasabi ko sa iyo: bumangon ka, dalhin ang iyong higaan at umuwi.” Kapagdaka’y tumayo siya sa harap nila, kinuha ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos. Namangha ang lahat at nagpuri sa Diyos. Nasindak nga sila at sinabi: “Nakakita tayo ng mga kagila-gilalas na bagay sa araw na ito!” Pagninilay: May pinagdaraanan ka ba ngayon na sumusurrender na ang iyong lakas at pag-asa? Gaano kabigat ang iyong problema na hindi ka na makalakad dahil give up ka na? Ilang biyaya ang pinalampas mo dahil ayaw mo nang mag-effort? Ang lahat ng uri ng pagsurrender, matatawag natin itong pagkalumpo ng ating kalooban. Kaya kinakabog mo na ang dibdib mo sa pagiging hindi productive. You feel frozen. Ayaw mo nang bumangon. Para ka nang yelo. Matigas. Ang feeling mo, hindi ka na makagalaw dahil laging nagre-replay sa isip mo ang iyong mga failures, ang mga frustrations. Kapanalig, sintomas ito ng kawalan ng gana ng ating kalooban. Adbiyento na! Salubungin natin ang nakakahilom na presensya ng Sanggol na Mesiyas. Panahon ngayon ng paglaya ng ating kalooban. Season din ng matibay na pagpapasya na laging pipiliin ang tumindig at lumakad sa diwa ng Diyos na sanggol. -Sr. Gemmaria Dela Cruz, fsp l Daughter’s of St. Paul
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Disyembre 11, 2023 - Lunes l Ikalawang Linggo ng Adbiyento
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.