EPISODE · Dec 11, 2023 · 4 MIN
Mabuting Balita l Disyembre 12, 2023 – Martes l Ikalawang Linggo ng Adbiyent
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Disyembre 12, 2023 – Martes l Ikalawang Linggo ng Adbiyento Ebanghelyo: Lucas 1:26-38 Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng Birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot , Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo'y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Hesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailaman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” “Paanong mangyayari ito gayong hindi ako ginagalaw ng lalaki?” “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.” “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel Pagninilay: Ang plano ng Diyos ay ang maibalik muli tayo sa Kanya. Ginagawa niya ang lahat ng paraan, para makausap tayo sa panalangin at sa lahat ng biyayang araw-araw Niyang ibinibigay sa atin. Ang problema, madalas tayong nawawalan ng oras para sa Kanya. Ipinakita ni Maria sa atin kung paano ang tamang disposisyon upang mapakinggan natin ang Diyos. Sa ating Mabuting Balita, nang biglaang magpakita ang anghel at ibinalita sa kanya ang kalooban ng Diyos, nanahimik siya, at inisip niyang mabuti ang kahulugan ng sinabi ng anghel. Mga Kapanalig, huwag nawa nating makalimutang pahalagahan ang katahimikan. Sa gitna ng ating mga gawain sa trabaho o sa pag-aaral araw-araw, matutunan nawa nating hanapin ang Diyos sa katahimikan. Ang katahimika’y lenggwahe din Diyos. Sa katahimikan, nangungusap ang Diyos sa atin. Sa katahimikan, binibigyan natin ng pagkakataon ang Diyos na magsalita, at binibigyan natin ang ating sarili ng pagkakataong, mapakinggan siya nang buong puso. Manalangin tayo, Panginoon, dalhin Mo ako sa katahimikan. Pawiin mo ang gulo sa aking isip at pangamba sa aking puso, nang madama at mapakinggan kita. Amen. - FR. OLIVER VERGEL PAR, SSP l Society of St. Paul
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Disyembre 12, 2023 – Martes l Ikalawang Linggo ng Adbiyent
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.