EPISODE · Jan 11, 2024 · 5 MIN
Mabuting Balita l Enero 12, 2024 – Biyernes l Unang Linggo ng Karaniwang Panahon
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Enero 12, 2024 – Biyernes Unang Linggo ng Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Marcos 2:1-12 Pumasok si Hesus sa Capernaum. Nang mabalitang nasa bahay siya, marami ang nagtipon doon kaya wala nang lugar kahit sa may pintuan. At ipinahayag niya ang Salita. May mga tao namang dumating at dinala sa kanya ang isang paralitiko, na buhat-buhat ng apat. At nang hindi sila makalapit kay Hesus dahil sa dami ng tao, inalis nila ang mga tisa ng terasang nasa ibabaw ng kinaroroonan ni Hesus at pagkabukas nila nito, inihugos nila ang paralitiko na nasa higaan. Nang makita ni Hesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” “Ano itong sinasabi niya? Talagang iniinsulto niya ang Diyos. Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Di ba’t ang Diyos lamang?” At agad na nalaman ni Hesus sa kanyang espiritu na ganoon ang kanilang mga niloloob na kaisipan. Kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan ninyong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka, kunin ang iyong higaan at lumakad’? Dapat ninyong malaman na sa lupa ay may kapangyarihan ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” “Iniuutos ko sa iyo: bumangon ka, dalhin ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon nga ang paralitiko, agad na kinuha ang higaan at lumabas na nakikita ng lahat. Lubhang namangha ang lahat at nagpuri sila sa Diyos sa pagsasabing “Kailanma’y hindi pa kami nakakakita ng ganito.” Pagninilay: Mga kapanalig, marahil pamilyar kayo sa awiting: “walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang, at lahat tayo'y may pananagutan sa isa’t isa.” Naaalala ko ang awiting ito, dahil sa kuwento ng pagpapagaling sa paralitiko, na narinig natin sa Mabuting Balita. Sadyang napakahirap ng buhay ng isang taong maysakit, lumpo o paralitiko na katulad ng lalaki sa Mabuting Balita. Kinakailangan niyang umasa sa tulong ng iba. Pero sa kabilang dako, napakapalad din ng taong ito dahil meron siyang mga kaibigan, na buong pusong nagmamahal at tumutulong sa kanya. At nakita rin natin, na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya, upang malampasan ang anumang balakid na makasasagabal, sa kanilang pagtulong sa kaibigang may sakit. Mga kapanalig, bukas ba ang ating puso sa pagtulong sa taong nangangailangan, kaibigan man o hindi? Sa panahon ng kagipitan, meron ba tayong matatag na pananampalataya, na malalagpasan natin ang lahat ng pagsubok, dahil kasama natin ang Diyos? Hilingin natin sa Panginoon, na pagkalooban tayo ng matatag na pananampalataya at malalim na pag-ibig sa bawat isa. - Sr. Pinky Barrientos, fsp l Daughters of St. Paul
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Enero 12, 2024 – Biyernes l Unang Linggo ng Karaniwang Panahon
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.