EPISODE · Jan 19, 2024 · 5 MIN
Mabuting Balita l Enero 20, 2024 – Sabado l Ikalawang Linggo ng Karaniwang Panahon
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Enero 20, 2024 – Sabado Ikalawang Linggo ng Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Marcos 3:20-21 Pagkauwi ni Hesus kasama ang kanyang mga alagad, nagsidating ang mga tao kayat hindi na sila nakakain. Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kamag-anak, lumabas sila para hulihin siya. Sinasabi nga nilang “Nababaliw siya.” Pagninilay: Tinatalakay sa Ikatlong kapitulo ng Mabuting Balita ayon kay San Marko ang pagpapagaling ni Hesus sa mga maysakit, ang kanyang pangangaral sa mga tao, at ang pagtawag niya sa labindalawang alagad. Nakarating sa malalayong lugar ang mga himalang ginawa ni Hesus, ang kanyang pagpapagaling sa mga maysakit, ang pagpapalayas sa mga demonyo, kung kaya nagsidatingan ang napakaraming mga tao, hindi lamang upang makinig sa kanyang salita, kundi upang mapagaling din ang mga may karamdaman. Sinasabi sa Mabuting Balita na hindi na makuhang kumain ni Hesus, dahil sa dami ng mga tao na pumupunta sa kanya. Pero sa tindi ng kanyang awa, hindi niya maitaboy ang mga taong ito, kahit na wala na siyang oras para sa sarili niya. Hindi nakapagtatakang maging ang kanyang mga kamag-anak ay nag alala sa kanya. Wala na ba siyang isip? Nasisiraan na ba siya? ‘Di ba't ganito rin ang ating karaniwang reaksyon pag ang isang mahal natin sa Buhay ay sobrang ibinubuhos ang sarili sa paglilingkod sa kapwa? Sinasabi natin, ‘di man lang bigyan ng panahon ang sarili. Buhos buhos ang paglilingkod. Mga kapanalig, kapag ang nag-uudyok sa isang tao na maglingkod, ay taos na pag-ibig para sa kapwa, ang hinanakit at pagod ay walang puwang sa puso. Isipin na lang natin ang ating mga magulang, na buong sipag na nagtatrabaho at nagsasakripisyo ng matindi, para lamang mabigyan tayo ng magandang kinabukasan. Ang isang ina na inaalagaan ang kanyang sanggol 24/7 hanggang sa paglaki nito. Ang mga doktor na nagpupunta sa mga baryo at liblib na pook, para gamutin ang mahihirap nating kababayan, na di makapunta ng ospital. Ilan lamang ito sa maraming halimbawa, na nagpapakita sa atin ng tunay na paglilingkod, na nagmumula sa kaibuturan ng puso. Mga kapanalig, si Hesus ang ating huwaran sa paglilingkod sa kapwa. Nawa'y hindi tayo magsawang tumulong sa ating kapwa at laging ipakita ang ating pagmamahal sa mga nangangailangan.
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Enero 20, 2024 – Sabado l Ikalawang Linggo ng Karaniwang Panahon
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.