EPISODE · Jul 22, 2023 · 4 MIN
Mabuting Balita l Hulyo 24, 2023 – Lunes
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Hulyo 24, 2023 Lunes ng Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Mt 12:38-42 Sinabi ng ilang guro ng Batas at mga Pariseo: “Guro, gusto naming makakita ng tanda mula sa iyo.” Sumagot si Hesus: “Isang palatandaan ang hinihiling ng masama at di-tapat na lahing ito ngunit walang palatandaang ibibigay sa kanila, maliban sa palatandaan ni Propeta Jonas. Kung papaanong tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng balyena si Jonas noon, gayundin naman tatlong araw at tatlong gabing mananatili sa ilalim ng lupa ang Anak ng Tao. Sa paghuhukom, babangon ang mga taga-Ninive kasama ng mga taong ito at hahatulan ang salinlahing ito sapagkat nagpanibagumbuhay sila sa pangangaral ni Jonas. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog, kasama ang mga taong ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon, at dito’y may mas dakila pa kay Solomon.” Pagninilay: Ikaw ba ay nabibilang sa mga taong naniniwala lamang kung may makikitang tanda o patunay? Sa ating Mabuting Balita ngayon, sinabi kay Hesus ng ilang guro ng Batas at mga Pariseo, “Guro, gusto naming makakita ng tanda mula sa iyo.” Pero hindi sila pinagbigyan ni Hesus, sa halip, binanggit niya ang naganap kay Jonas at sa Reyna ng Sheba. Kung ang mga taong taga Ninive ay naniwala at nagbalik loob sa Diyos dahil sa mga babala ni Jonas, at ang Reyna ay dumating pa mula sa malayong lugar para masaksihan ang karunungan ni Haring Solomon, bakit hindi sila naniniwala sa taong mas dakila pa kay Jonas at Haring Solomon, si Hesus? Sabi nga ni St. Thomas Aquinas, “Sa isang may pananampalataya, walang paliwanag ang kailangan. Sa isang walang pananampalataya, walang paliwanag na posible “To one who has faith, no explanation is necessary. To one without faith, no explanation is possible.” Mga kapanalig, lagi sanang ipagdasal, higit pa sa materyal na bagay na pagkalooban tayo ng malalim na pananampalataya sa Diyos, dahil iyon ang makapagliligtas sa atin at magdadala sa atin sa buhay na walang hanggan. Amen. - Sr. Tina Madrigallos, fsp l Daughter’s of St. Paul
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Hulyo 24, 2023 – Lunes
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.