EPISODE · Jul 6, 2023 · 4 MIN
Mabuting Balita l Hulyo 7, 2023 – Biyernes
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Hulyo 7, 2023 Biyernes ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Mt 9:9-13 Sa paglalakad ni Hesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sinundan s’ya. At habang nasa hapag si Hesus sa bahay ni Mateo, maraming taga-singil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Hesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumakaing kasama ng mga makasalanan at maninigil ng buwis ang inyong guro?” Nang marinig ito ni Hesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit! Sige, matutunan sana Ninyo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.” Pagninilay: Bagong pasok palang ako noon sa kombento nang magmisyon kami sa Maconacon, isang coastal municipality ng Isabela na isolated sa buong probinsiya. Walang ibang transportasyon maliban sa dagat at himpapawid. Sumakay kami ng kasama kong madre sa isang six-seater plane dala ang mga kahong punung-puno ng mga libro. Takot na takot ako, kasi first time kong nag-eroplano. Nang mabalutan na kami ng ulap sa taas ng Sierra Madre, biglang nag-air pocket – parang inalog ang eroplano at akala koý bubulusok na kami sa Philippine Sea. Napakaganda ng lugar! Ang mga bundok, matataas na puno, malawak na dagat at ang mga residente na masayang sumalubong sa amin. Isang beses isang taon lang daw silang napupuntahan ng pari para magmisa. Nakiusap sila kung pwedeng mag-service of the Word. Sumang-ayon naman ang madreng kasama ko. Akala ko siya ang mamumuno kasi Ilokana siya, pero sinabihan niya akong maghanda ng homiliya para sa service kinabukasan. Bata pa ako, walang alam sa Biblia, hindi ako marunong mag-ilokano at wala akong dalang mga references. Hindi pa uso ang internet noon. Pero naisip ko: araw-araw akong nagsisimba at tumatanggap ng komunyon. Mayroon naman siguro akong natutunan na maaaring pumawi sa uhaw ng mga tao sa Salita ng Diyos. Panalangin at habag sa mga taong pumuno sa kapilya upang makinig sa Salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob upang magbahagi. Hindi ko na maalala kung ano ang sinabi ko. Pero pagkatapos ng service, sinabihan ako ng kanilang pinuno na ýun daw homiliya ko ang talagang kailangang marinig ng mga taga-roon. Kahit na sa pagbisita namin sa bahay-bahay, patuloy pa rin ang pasasalamat nila sa homiliya. Hindi ko malilimutan ang karanasang iyon dahil alam kong hindi ako ang nagsalita sa kanila. Ang habag ng Diyos sa aking kahinaan at kakulangan ang gumalaw sa aking puso at nagsalita sa aking mga labi upang ang Mabuting Balita ay maibahagi ko. At kapag natutukso akong magyabang at isiping magaling ako, naaalala ko ang Maconacon at ang leksyong natutunan ko roon. Hindi ako kundi Siya, ang Espiritung Banal, ang gumagalaw at nangangaral sa akin. Kapanalig, hindi hadlang ang anumang kahinaan, kakulangan o kasalanan upang maging instrumento ng Diyos. Tulad ni Mateo, tinatawag ang bawat isa sa atin ng Panginoon. Kanino ka gustong ipadala ng Panginoon ngayong araw na ito? Handa ka bang maging instrumento ng kanyang habag at pagmamahal? - Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St. Paul
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Hulyo 7, 2023 – Biyernes
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.