EPISODE · Jun 14, 2023 · 5 MIN
Mabuting Balita l Hunyo 15, 2023 – Huwebes
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Hunyo 15, 2023 Huwebes sa Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Mateo 5:20-26 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kahariaan ng Langit. Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: 'Huwag kang papatay; dapat managot ang pumatay.' Sinasabi ko naman sa inyo: Mananagot ang sinumang nagagalit sa kanyang kapatid. Mananagot sa Sanggunian ang sinumang uminsulto sa kanyang kapatid. Nararapat lamang na itapon sa apoy ng impiyerno ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos. Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulis na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.” Pagninilay: “Kung hindi hihigit ang inyong kabanalan sa kabanalan ng mga eskriba at mga Pariseo hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit”. Ano ang kulang sa mga eskriba at Pariseo? Alam ni Hesus. Sila ay mga mapagbalatkayo. Abala sila sa paggawa ng mabuti na kitang-kita ng lahat, at pagsunod sa mga kautusan ng kanilang tradisyon, upang sila’y purihin. Mga kapanalig, napakahalaga ng pagiging makatotohanan dahil nababasa ng Diyos ang puso ng tao. Nakikita Niya ang maitim na langgam sa ibabaw ng maitim na bato sa madilim na gabi. Kaya hindi sapat na iwasan lamang natin ang mga kasalanang panlabas, tulad ng pagpatay, kundi higit sa lahat ang kasalanan sa ating kalooban, tulad ng pagkimkim ng galit dahil dito nagmumula ang masasamang gawa. Ang panghahamak ay para na ring pagpatay sa kapwa dahil ito’y isang pagsira ng kanyang dignidad bilang tao at anak ng Diyos. Saan ito nanggagaling? Sa pusong marumi. Ang pangaral ni Hesus ay radical Christianity. Kabanalan sa loob at sa labas. Ang Kristiyano’y dapat totoo sa harap ng Diyos at ng tao dahil si Kristo ay Katotohanan. Kitang-kita Niya kung ang mabuting gawa ay bukal sa pagmamahal sa Kanya at sa kapwa o sa mga taliwas na intensyon. Ang ating buhay at mga mabuting gawa ay may halaga lamang kung iniaalay natin ito sa Diyos. Kaya ang ihahandog natin sa Kanya ay ang mga mabubuting gawa ng kamay na mula sa pusong dalisay. Pagpasok ko sa kumbento many years ago, natutunan ko, at nakaugalian ko nang gawin ang examination of conscience. Ito yung pagsusuri ng konsensiya sa tuwina; pag-usisa kung tama pa ba ang direksyon ng puso, at ibalik sa Diyos kung ito’y napalayo. Kung super busy tayo, gawin natin ang pagsusuri ng budhi sa gabi bago matulog. Manalangin tayo: O Kabanal-banalang Ama, igawad Mo po sa amin ang biyaya ng kabanalan. Amen. - Sr. Evangelina Canag, fsp l Daughters of St. Paul
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Hunyo 15, 2023 – Huwebes
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.