EPISODE · Jun 20, 2023 · 5 MIN
Mabuting Balita l Hunyo 21, 2023 – Miyerkules
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Hunyo 21, 2023 Miyerkules sa Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Mateo 6:1-6,16-18 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat na hindi maging pakitantao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin n’yo wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa Langit. Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila ng husto. Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo. Kung mananalangin kayo, huwag n'yong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo. Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantipalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nag-aayuno na pakitantao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.” Pagninilay: Dalisay at tunay na intensyon ng puso. Ito ang hinihingi ni Hesus sa ating Mabuting Balita ngayong araw. Nais ng Panginoon na sa ating mga ginagawa para sa Kanya: maging ito’y pananalangin, paglilimos o pag-aayuno.... may kaakibat itong wagas o tamang intensyon. Sa kasagsagan ng paggamit ng makabagong teknolohiya, lalo na ang social media, mahalagang malinaw ang ating intensyon, sa tuwing pinopost natin ang mabubuti nating gawain o adbokasiya, upang kahit makita pa ito ng nakararami, may pundasyon ito, na sa Diyos lamang ang lahat ng papuri. Kung galing sa puso at laan para sa Diyos ang mabubuti nating gawain, mananatiling kaaya-aya ang mga ito sa Kanyang paningin. Kaya naman, kahit na pasalamatan man tayo o hindi, dahil sa mabuti nating ginagawa, magpapatuloy pa rin tayo sa paggawa ng kabutihan, dahil maliwanag sa atin na ang lahat ng ito’y ginagawa natin para sa Diyos. Manalangin tayo: Panginoon ng buhay, Kayo po ang nakakaalam ng aming saloobin. Pagtibayin nawa kami ng Iyong dalisay na pag-ibig, nang sa gayon patuloy naming maialay ang mabubuti naming Gawain, na hindi naghahanap ng kapalit, lalo na ng papuri mula sa mga tao. Pagkalooban Mo po kami ng pusong dalisay, nang sa gayon lahat ng aming gawain, sumasalamin sa wagas Mong pag-ibig. Amen. - Sr. Niña Lorilla, fsp l Daughters of St. Paul
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Hunyo 21, 2023 – Miyerkules
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.