EPISODE · May 12, 2023 · 5 MIN
Mabuting Balita l Mayo 13, 2023 - Sabado
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Mayo 13, 2023 - Sabado Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay Ebanghelyo: Jn 15:18-21 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung napopoot sa inyo ang mundo, alamin n’yo na ako muna bago kayo ang kinapootan. Kung kayo’y mula sa mundo, inibig na sana ng mundo ang sariling kanya. Ngunit napopoot sa inyo ang mundo dahil hindi kayo mula sa mundo kundi ako ang humirang sa inyo mula sa mundo. Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo: ‘Walang utusang mas dakila sa kanyang panginoon.’ Hindi ba’t inusig nila ako? Uusigin din kayo. Tinupad ba nila ang aking salita? Gayon din nila tutuparin ang sa inyo. Dahil sa ngalan ko nila gagawin ang mga ito laban sa inyo, sapagkat hindi nila nakikilala ang nagpadala sa akin Pagninilay: Pagtahak sa daan ng krus, ang tunay na pagsunod sa Panginoong Hesus. Pebrero ngayong taon, nabalitaan nating hinatulan ng pagkakakulong ng dalawamput-anim na taon, at pagtanggal sa kanyang karapatan bilang mamamayan ng Nicaragua, ang isang katolikong obispo, na si Rolando Álvarez, dahil sa kanyang paninindigan sa katotohanan laban sa mga katiwalian ng pamahalaan. Isa itong konkretong patunay sa Mabuting Balitang ating narinig. Binalaan ng Panginoong Hesus ang kanyang mga alagad: “Alalahanin ninyo ang sinabi ko sa inyo: walang aliping higit kaysa kanyang panginoon. Kung ako'y inusig nila, uusigin din nila kayo. Kung tinupad nila ang aking salita, tutuparin din nila ang salita ninyo.” Mga kapanalig, ang pagpanig sa katotohanan, ang pagsabuhay ng Salita ng Diyos, at ang maging kinatawan ni Hesus sa mundong ito, wala mang pangakong buhay na katanggap-tangap sa lahat --- ang hamon ng Mabuting Balita sa araw na ito. Marahil naranasan na natin ang tanggihan o itatwa, hindi lang ng ating mga kaibigan, kundi ng ating mismong pamilya, dahil nanindigan tayo sa katotohanan at tama. Sa karanasan din ng ating Mahal na Birheng Maria, nabago ang lahat, nang kanyang tanggapin na maging ina ni Hesus. Anong hirap at sakit ang kanyang dinanas nang sundan niya ang kanyang pinakamamahal na anak na inuusig, hanggang sa ito’y mamatay sa krus. Ano ang nagdala kay Hesus sa krus? Ang kasinungalingn o fake news! Ang mga kasinungalingang walang ka-abog-abog na tinatanggap ng karamihan, na sa kalauna’y nagmumukhang “katotohanan” na. Pero, ano pa man ang hugis ng isang kasinungalingan, paikot-ikutin man ito, mananatili itong isang kasinungalingan. Mga kapanalig, patuloy ang paghikayat ni Hesus sa ating lahat, na manindigan sa katotohanan, sa lahat ng panahon at pagkakataon; maging kaaya-aya man ito o hindi, sa mga taong nakapaligid sa atin. Nawa’y patuloy tayong mamuhay, bilang buhay na patotoo ng Panginoong Hesus, ang Katotohanan, sa ating pagsasabuhay ng Kanyang mga turo at salita. Taos-puso nawa tayong magpasalamat sa biyaya ng pagiging Kanyang kinatawan; at panghawakan ang kanyang pangakong, “Magpapatotoo rin kayo tungkol sa akin, dahil kasama na ninyo ako buhat pa sa simula.” -Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Mayo 13, 2023 - Sabado
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.