EPISODE · May 2, 2023 · 4 MIN
Mabuting Balita l Mayo 3, 2023 - Miyerkules
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Mayo 3, 2023 - Miyerkules Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay Ebanghelyo: Jn 14:6-14 Sinabi ni Hesus kay Tomas: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang sinumang nakalalapit sa Ama liban sa pamamagitan ko. Kung nakilala sana ninyo ako, nakilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit kilala na ninyo siya at nakita ninyo siya.” Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ituro mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sumagot sa kanya si Hesus: “Diyata’t matagal na panahon na ninyo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe?Sa pagkakita sa akin ninuman, ang ama ang nakita niya. Papaano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa ng nananalig sa akin ang aking ginagawa; at mas dakila pang mga bagay ang kanyang gagawin. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n’yo sa Ngalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung sa aki’y may hihingin kayo sa Ngalan ko, gagawin ko iyon.” Pagninilay: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.” Ito ang mga katagang bumungad sa ating Mabuting Balita ngayon bilang tugon ni Hesus sa kanyang alagad na si Tomas. Sa kabilang banda, mukhang hindi makapaniwala si Felipe sa mga sinabi ni Hesus, “Kung ako'y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon, kilala na ninyo Siya at inyo nang nakita.” Mga kapanalig, maraming bagay ang mahirap maunawaan at paniwalaan sa ating buhay pananampalataya. Maituturing tayong mga Tomas at Felipe sa ngayon, at tunay na hindi tayo nalalayo sa karanasan ng mga alagad ni Hesus. Ang hamon sa atin ng Mabuting Balita, maging bukas at mapagtiwala, sa kapangyarihan ng Panginoong baguhin, ayusin at gawing makabuluhan ang ating buhay sa mundong ito. Ang Salita ng Diyos ang ating lakas, upang maging bukas sa kalooban ng Diyos at maging sensitibo sa Kanyang mga paraan at pag gabay. Magtiwala, na kasama natin Siya sa ating pagtahak sa Kanyang landas. Si Hesus lamang ang makakahango sa atin sa kadiliman ng ating mga kasalanan. Siya ang mukha ng ating Amang tunay na nagmamalasakit sa Kanyang mga anak, sa ating lahat. Manalangin tayo: Panginoon, loobin Mo pong maging bukas akong tanggapin, ano man ang kalooban mo sa aking buhay. Pagkalooban Mo po ako ng biyayang magtiwala Sa’yo, lalo na sa mga pagkakataong hindi ko maramdaman ang Iyong presensya. Dagdagan Mo po ang aking pananampalataya na may ginagawa Kayo upang ituwid ako. Iligtas Mo po ako sa kapahamakan at puspusin ng Iyong pagpapala, Amen. -Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Mayo 3, 2023 - Miyerkules
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.