EPISODE · Nov 11, 2023 · 3 MIN
Mabuting Balita l Nobyembre 12, 2023 – Ika-32 na Linggo sa Karaniwang Panahon
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Nobyembre 12, 2023– Ika-32 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Mateo 25:1-13 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa Kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa. Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!’ Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang lampara. Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming lampara.’ Sumagot ang matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.’ Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami!’ Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.’ Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.” Pagninilay: Isinulat ni Fr. Anthony Capirayan ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Mga kapatid, sa oras na lilisanin na natin ang mundong ito at haharap na tayo sa Panginoon, masasabi kaya natin na puno-punong ang lampara ng ating buhay ng langis? —langis ng pagmamahal, Langis ng pagiging bukas-palad, langis ng pagtitiwala sa Diyos, langis ng pagpapatawad, langis ng pagiging magpagpasalamat, at langis ng mga mabubuting gawa. Sana maghanda at magsumikap tayong lagyan ng langis ang ating buhay araw-araw upang patuloy itong nagliliwanag. Nang sa ganoon, pagdating ng panahon na tayo ay kakatok doon sa pintuan sa langit, hindi itatanong sa atin ng Panginoon, “Sino kayo?”, kundi bubuksan niya nang malawak ang pintuan at sasabihing, “Pasok kayo.”
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Nobyembre 12, 2023 – Ika-32 na Linggo sa Karaniwang Panahon
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.