EPISODE · Nov 14, 2023 · 4 MIN
Mabuting Balita l Nobyembre 15, 2023 – Miyerkules l Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Nobyembre 15, 2023 – Miyerkules l Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: LUCAS 17:11-19 Habang papunta si Hesus sa Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. At pagpasok niya sa isang nayon, may sampung lalaking may ketong ang lumabas para salubungin siya. Tumayo ang mga ito sa malayo at tumawag nang malakas: “Hesus, Guro, maawa ka sa amin.” At sinabi naman sa kanila ni Hesus. “Umalis kayo at humarap sa mga pari.” At nangyari na gumaling sila habang naglalakad. Isa sa kanila ang agad na nagbalik nang makita niyang gumaling siya, at pasigaw niyang pinuri ang Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Hesus, sa pagpapasalamat sa kanya. Isa siyang samaritano. Kaya sinabi ni Hesus: “Tumayo ka, iniligtas ka ng iyong pananampalataya.” Pagninilay: Naranasan mo na bang magpaunlak sa isang kahilingan, pero di ka man lang pinasalamatan ng taong iyong tinulungan? Medyo, masakit, di po ba? Sa Mabuting Balita ngayon, napakinggan natin kung paano nagmakaawa ang sampung ketongin kay Hesus, na pagalingin sila. Sumigaw sila. “Hesus Panginoon, maawa ka sa amin.” Sa halip na ibigay agad ang kanilang kahilingan, sinabihan sila ni Hesus na magpakita sa mga pari. Habang nasa daan, sila ay nagsigaling…” Bumalik ang isa sa kanila, upang magpasalamat kay Hesus. Kaya, nagtanong si Hesus: “Di ba sampu ang aking pinagaling. Nasaan ang siyam?” Bakit nga kaya, hinanap pa ni Hesus, ang siyam na Kanyang pinagaling? Mga kapanalig, mahalaga ang pagkilala sa kabutihan at kapangyarihan ng Diyos, na patuloy Niyang ipinamamalas sa atin. Isa ba tayo, sa siyam na ketongin na nakakalimot magpasalamat sa Diyos? Hindi inaasahan ng mga ketongin na makakamtan agad, ang kanilang kahilingan, kahit di pa nila natutupad ang utos ni Hesus. Nagpapatunay ito, na si Hesus nga, ang nagpagaling sa kanila. Pero nakalimutan nilang magpasalamat kay Hesus. Marahil tayo rin, sa kagandahang-loob ng Diyos, ay nakatatangap ng kahilingan, nang di natin inaasahan. Kung minsan, sa gitna ng ating kasiyahan, nakakalimutan nating magpasalamat sa Diyos, na Siyang nagkaloob sa atin ng mga biyaya. Naalala ba nating magpasalamat sa Diyos sa ating buhay at sa pagkain, na ipinagkakaloob Niya sa atin, araw-araw? Nabanggit din sa Mabuting Balita na ang nagpasalamat kay Hesus, ay isang Samaritano. Sila ay itinuturing na kaaway ng mga Hudyo. Nais ipahayag ni Hesus, na wala Siyang itinatangi. Ikaw at ako, makakatanggap ng kagalingan kay Hesus, dahil ang Kanyang habag at awa, ay para sa lahat. Mga kapanalig, tulad ng Samaritano, sana, manalig tayo, at ugaliing magpasalamat, sa mga biyayang ating tinatanggap, mula sa Panginoon. Amen. -Sr. Divinia de Claro, fsp l Daughters of St. Paul
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Nobyembre 15, 2023 – Miyerkules l Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.