EPISODE · Sep 30, 2023 · 4 MIN
Mabuting Balita l Oktubre 1, 2023 – Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Oktubre 1, 2023 – Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Mateo 21:28-32 Nagpatuloy si Hesus: “Ano sa palagay n’yo? May dalawang anak ang isang tao. Lumapit siya sa isa at sinabi: ‘Anak, pumunta ka ngayon at magtrabaho sa aking ubasan.’ Sumagot ang anak: ‘Ayoko.’ Ngunit pagkatapos ay nagbagong-isip siya at pumunta. Pinuntahan din ng ama ang pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot naman ang anak: ‘Opo.’ Pero hindi siya pumunta. At tinanong sila ni Hesus: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng ama?” “Ang una.” “Talagang sinasabi ko sa inyo: mas nauuna sa inyo patungo sa Kaharian ng Langit ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Dumating nga si Juan para ipakita sa inyo ang daan ng kabutihan subalit hindi kayo naniwala sa kanya, samantalang naniwala naman ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Nakita n’yo ito at hindi kayo nagsisi o naniwala sa kanya.” Pagninilay: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa kalooban ng Ama?” At kanino ka mas nakaka relate? sa nagsabi ng “Oo”, pero hindi sumunod? O sa nagsabi ng “Hindi” pero sumunod. Malamang na experience na natin ang malagay sa ganitong sitwasyon noong mga bata pa tayo, nung inutusan tayo ng ating mga magulang. At marahil naalala pa natin ang ginawa nating pagtugon. Ang talinhaga ng dalawang anak ay nagpapahiwatig sa atin ng malalim na kahulugan ng “free will” o ng kalayaan na ipinagkaloob sa atin ng Panginoon. Paano nga ba natin ginagamit ang handog na kalayaan ng Panginoon? Ginagamit ba natin ito para lumago sa kabutihan, kabanalan at pagpapasakop sa kalooban ng Diyos? O ginagamit natin ito para gawin anuman ang maibigan natin, kahit alam nating taliwas ito sa kalooban ng Diyos, at lubhang makakaapekto sa ating kapwa? Pansinin natin mga kapanalig, kapag gumagawa tayo ng tama at mabuti, at namumuhay ayon sa kalooban ng Diyos, tunay tayong malaya – panatag ang ating kalooban, masaya ang ating buhay, at wala tayong kinatatakutan saan man tayo magpunta, dahil wala tayong atraso kaninuman. Samantalang kung namumuhay tayo sa kasalanan – sangkot sa mga illegal na gawain, katulad ng droga, pangungupit sa kaban ng bayan, pandaraya sa negosyo at tuwing Halalan, pang-aabuso sa kapangyarihan, pamumuhay sa kasinungalingan, at hindi pagiging tapat sa asawa o maging sa bokasyon ng pagpapari o pagmamadre na ating sinumpaan – hindi tayo tunay na malaya. Dahil laging may takot sa ating dibdib, nangangamba, na baka may makakita sa atin; na baka bukas o makalawa, mabubunyag ang kasalanan o katiwalian na ginagawa natin ng lihim. Kaya masasabi natin, na sinumang namumuhay sa kasalanan, hindi tunay malaya, lumiliit ang mundo dahil laging nagtatago, at maraming iniiwasan at kinatatakutan. Mga kapanalig, maitago man natin sa mata ng tao ang mga kasalanang ginagawa natin ng lihim, hinding-hindi natin ito maitatago sa mata ng Diyos na nakakakita ng lahat. Isa pa, hindi rin matahimik ang ating budhi sa tuwing namumuhay tayo sa kasalanan, binabagabag tayo ng ating konsensya at hindi makatulog. At ayaw ng Panginoon na masadlak tayo sa ganitong sitwasyon. Kaya nga ang paalala sa atin ng Mabuting Balita, panindigan natin ang bawat pagsagot natin ng “Oo” sa Diyos. Isa itong desisyon na dapat nating panibaguhin at isabuhay araw-araw. Kapag pinili nating magmahal at magpakabanal, isa itong desisyon na dapat nating i-renew araw-araw. At kung nagkataon mang humindi tayo sa Diyos, at namuhay ng taliwas sa Kanyang kalooban, may pagkakataon pang baguhin ang ating desisyon at magbalik-loob. God is God of unending chances. Ang bawat araw na pinapahiram sa atin ng Diyos, panibagong pagkakataon upang ayusin ang ating sarili, punan ang mga pagkukulang sa nakalipas na araw, magbalik-loob at pagsisihan, ang mga nagawang kasalanan. - Sr. Lines Salazar, fsp l Daughters of St. Paul
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Oktubre 1, 2023 – Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.