EPISODE · Oct 12, 2023 · 4 MIN
Mabuting Balita l Oktubre 13, 2023 – Biyernes l Ika-27 na Linggo sa Karaniwang Panahon
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Oktubre 13, 2023 – Biyernes l Ika-27 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Lucas 11:15-26 Nang nakapagpalayas si Hesus ng demonyo, sinabi ng ilan sa mga tao: “Pinalalayas n’ya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Hesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa Langit. Alam ni Hesus ang kanilang iniisip kaya sinabi n’ya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat Kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? Hindi nga ba’t sinasabi n’yo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Kung may sandatang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Ngunit kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin s’ya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian. Laban sa akin ang hindi panig sa akin, at nagpapangalat ang hindi nagtitipong kasama ko.” Kapag lumabas sa tao ang maruming espiritu, nagpapalabuy-laboy ito sa mga lugar na walang tubig sa paghahanap ng pahingahan. Ngunit wala s’yang natatagpuan at sinasabi niya: ‘Babalik ako sa inalisan kong tirahan.’ Pagdating niya, natatagpuan niya ito na nawalisan na at maayos pa. Kaya naghahanap s’ya at nagsasama ng pito pang espiritung mas masama pa kaysa sa kanya; pumapasok ang mga ito at doon tumitira. Kaya mas masama ang huling kalagayan ng taong iyon kaysa dati.” Pagninilay: Kapanalig, naranasan mo na bang gumawa ng kabutihan sa kapwa, pero ikaw pa ang minasama? Ganito ang naranasan ni Hesus sa ating Mabuting Balita ngayon. Marami Syang pinagaling na inaalihan ng demonyo, pero pinagbintangan pa Syang kaanib ng mga demonyo. Marahil isang strategy ng demonyo ang sirain ang credibility ni Hesus upang hindi na Niya ipagpatuloy sa Kanyang misyon. Sa panahon natin ngayon, high tech na rin ang demonyo. Ginagamit nya ang social media, upang sirain ang mga taong gumagawa ng kabutihan sa pamamagitan ng mga mapanirang fake news. Isa itong paraan upang yurakan ang dignidad, at alisan ng credibilidad ang mga taong gumagawa ng kabutihan at lumalaban sa kasamaan. Kaya, lumalabas na masama ang mabuti at pilit pinagaganda ang public image ng gumagawa ng masama. Kapanalig, huwag sana tayong maging mapanghusga sa kapwa, dahil lamang sa mga nababasa natin sa social media. Sa halip, manaliksik at maging mapanuri bago maniwala. Hindi lang yan Kapanalig, huwag rin sana tayong magpadala sa bugso ng ating galit sa taong gumawa sa atin ng masama, dahil maaari itong maging entry point ng demonyo sa ating buhay. Sa halip, patuloy po tayong gumawa ng mabuti, kahit sa taong gumawa sa atin ng masama. Ipagdasal din natin ang kanilang pagbabalik-loob sa Diyos, upang mabawasan ang mga naghahasik ng fake news at mapanirang puri sa social media at sa ating Lipunan. - Sr. Lou Ranara, fsp l Daughters of St. Paul
Embed this episode
Ready to play
Mabuting Balita l Oktubre 13, 2023 – Biyernes l Ika-27 na Linggo sa Karaniwang Panahon
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.