EPISODE · Oct 15, 2023 · 4 MIN
Mabuting Balita l Oktubre 16, 2023 – Lunes l Ika-28 na Linggo sa Karaniwang Panahon
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Oktubre 16, 2023 – Lunes l Ika-28 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Lucas 11: 29-32 Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Hesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan subalit walang ibang palatandaang ibibigay dito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating s’ya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito'y may mas dakila pa kay Jonas.” Pagninilay: “Sige nga, patunayan mo.” Isang paraan ng pagsasabing hindi ka naniniwala hangga’t hindi mapatunayang totoo ang sinasabi sa’yo. Sa ibang salita – wala kang tiwala sa taong kausap mo –hindi siya kapanipaniwala para sa yo. Sa parte ng sinasabihan mo nito, kung seryoso siya sa pagsasabi ng katotohanan o sa pagbibigay ng babala sa’yo, puwedeng iba-iba ang maging reaksyon niya. Kung wala siyang pakialam, maniwala ka man o hindi, malamang hindi siya magsasayang ng oras, para patunayan na totoo ang sinasabi niya. Pero kung may concern siya sa’yo, o mahalagang papaniwalain ka – hahaba pa ang usapan para lang makumbinsi ka. Sa Mabuting Balita natin ngayon, wala alin man dito ang reaksyon ni Hesus, sa mga naghahanap ng tanda (o sign). Tinawag niyang masama ang henerasyong may ganitong pag-iisip. At wala rin silang mapapalang tanda bukod sa tanda ni Propeta Jonas. Alam ni Hesus na ang paghahanap ng tanda ay pag-iwas sa tawag niyang magsisi, magbagong loob, makinig sa Mabuting Balita na sinabi niya bago ang tekstong ito (Lk 27-28). Bakit? Kasi may kakailanganin silang baguhin, iwasan, mga masasamang bisyong dapat paglabanan. Ito ang mga bagay na nagdudulot ng mga panandaliang saya sa buhay, pero nakakasama sa ating buhay espiritwal. Pero dahil komportable na tayo na gawin ang mga ito, mas madaling piliin na manatili at wag ng baguhin. Mga kapanalig, isa lang naman ang gusto ni Hesus sa atin, kaya niya sinasabi ito – na magbalik loob ang mga makasalanan, upang makasama tayong lahat sa piling ng Diyos. Manalangin tayo: Panginoong Hesus, tulungan nyo po kaming mabuksan ang aming isip, na huwag magbingi-bingihan sa tawag nyong pagsisisi at pagbabalik loob sa Diyos at biyayaan kami ng paghahangad na makasama kayo sa buhay na walang hanggan. Amen. -Sr. Reajoy San Luis, fsp l Daughters of St. Paul
Embed this episode
Ready to play
Mabuting Balita l Oktubre 16, 2023 – Lunes l Ika-28 na Linggo sa Karaniwang Panahon
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.