EPISODE · Oct 19, 2023 · 4 MIN
Mabuting Balita l Oktubre 20, 2023 – Biyernes l Ika-28 na Linggo sa Karaniwang Panahon
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Oktubre 20, 2023 – Biyernes l Ika-28 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Lucas 12,1-7 Nang magkatipon ang libu-libong tao hanggang magkatapakan na sila, sinimulang sabihin ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo, na walang iba kundi ang pagkukunwari. Walang tinatakpan na di mabubunyag, walang natatago na di malalaman. Kaya naman ang sinabi n’yo sa dilim, sa liwanag maririnig; at ang ibinulong n’yo sa mga kuwarto, sa bubungan ipahahayag. Sinasabi ko naman ito sa inyo na mga kaibigan ko: huwag n’yong katakutan ang mga nakapapatay sa katawan at wala nang magagawang anuman. Ituturo ko sa inyo kung sino ang dapat n’yong katakutan: matakot kayo sa may kapangyarihang pumatay at may kapangyarihan pang magbulid sa impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo ito ang katakutan n’yo. Hindi ba’t ipinagbibili nang dalawang pera ang limang maya? Ngunit isa man sa kanila’y di nalilimutan sa paningin ng Diyos. Bilang na pati ang lahat ng buhok sa inyong ulo. Huwag kayong matakot; mas mahalaga pa kayo kaysa maraming maya.” Pagninilay: Nasubukan nyo na bang pakinggan ang huni ng mga ibon sa bukang-liwayway? Dito sa kumbento namin sa Pasay ay maraming mga puno at tuwing umaga – kapag hindi ako nagmamadali – nagninilay akong kasama ng mga ibon. Nakakita ako yellow oriolles, pied fantail, pied triller, mga kalapati at napakaraming maya na nabanggit ni Hesus sa Mabuting Balita. Nakatutuwang marinig ang iba’t ibang huni nila, lalo na yung oriolles na parang pumipito at nakikipag-usap kung sisipol ka rin. Kagalakan at kapayapaan ang mensaheng hatid nila sa akin, sa simula ng bagong araw – ng bagong buhay. Kapanalig, hindi ba maganda sana kung sasalubungin natin ang bagong araw tulad nila? Masaya at punumpuno ng pag-asa? Kaya lang, marami sa atin ang nagigising nang may takot at agam-agam. Nakahilerang problema at alalahanin ang nangangailan ng ating pansin, na nagpapabalisa sa ating araw. At dahil sa takot natin, nagiging duwag tayong maging totoo sa ating sarili at mga prinsipyo. Ayaw nating makita ng iba ang samu’t saring kinatatakutan natin, kaya nagbabalatkayo tayo. Nagkukunwaring OK ang lahat, baka kasi ano ang sasabihin ng iba. O kaya nama’y hindi makapagsabi ng totoo, dahil baka mapahamak hindi lang ang sarili kundi pati na ang mga mahal sa buhay. Kapanalig, alalahanin mo ang sinabi ni Hesus: “Maging ang buhok ninyo’y bilang niyang lahat. Kaya’t huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.” Manalangin tayo: Panginoon, isinusuko namin sa inyo ang lahat ng aming takot at pangamba, at nananalig na hindi mo kami pababayaan dahil mahalaga kami sa iyo. Amen. - Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St. Paul
Embed this episode
Ready to play
Mabuting Balita l Oktubre 20, 2023 – Biyernes l Ika-28 na Linggo sa Karaniwang Panahon
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.