EPISODE · Oct 21, 2023 · 4 MIN
Mabuting Balita l Oktubre 22, 2023 – Ika-29 l Linggo sa Karaniwang Panahon
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Oktubre 22, 2023 – Ika-29 l Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Mateo 22:15-21 Umurong ang mga Pariseo at nagpulong kung papaano nila huhulihin si Hesus sa sarili niyang salita. Kaya ipinadala nila ang kanilang mga alagad kasama ng mga kampi kay Herodes. Sinabi nila kay Hesus: “Guro, nalalaman naming na tapat kang tao at tunay na nagtuturo ng daan ng Diyos; hindi ka napadadala sa iba at nagsasalita hindi ayon sa kalagayan ng tao. Kaya ano ang palagay mo, ayon ba sa Batas na magbayad ng Buwis sa Cesar? Dapat ba tayong magbayad sa kanya o hindi?” Alam naman ni Hesus ang masama nilang pakay, at sinabi niya sa kanila: “Mga mapagkunwari! Bakit ninyo ako sinusubukan? Ipakita ninyo sa akin ang perang pambuwis." Ipinakita nila ng isang denaryo, at sinabi sa kanila ni Hesus. “Sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan?” Sumagot sila: “Ang Cesar.” At sinabi niya sa kanila: “Kung gayon, ibigay sa Cesar ang para sa Cesar at sa Diyos ang para sa Diyos.” Pagninilay: Sa ating Mabuting Balita ngayon, tinanong ng mga pinuno ng Israel si Hesus kung tama bang magbayad ng buwis sa Emperador, na isang kontrobersyal na paksa sa panahong iyon. Kung sasabihin ni Hesus na oo, maaari siyang maparatangan ng pagtataksil sa bayan ng Israel at sa Diyos. Kung sasabihin niya na hindi, maaari siyang maparatangan ng paglaban sa kapangyarihan ng Roma. Pero hindi nagpahuli si Hesus sa kanilang patibong. Sinabi ni Hesus: "Ibigay ninyo kay Cesar ang para sa kanya, at sa Diyos ang para sa Diyos." Sa ganitong paraan, binibigyang-diin ni Hesus ang mas mahalagang bagay: ang pagbibigay ng karapat-dapat na pagsamba at paggalang sa Diyos. Ang kuwentong ito ay may kaugnayan sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Misyon, na taun-taon, ginaganap tuwing ika-apat na Linggo ng Oktubre. Nagpapaalala ito sa atin na ang bawat binyagang Kristiyano, tinatawag na maging saksi ni Kristo sa buong mundo, at hindi dapat matakot o mahiya na ibahagi ang kanyang pananampalataya. Ang misyon ay hindi lamang tungkol sa pagpapadala ng mga misyonero sa ibang bansa o kultura, kundi pati na rin sa pagpapakita ng halimbawa ng buhay-Kristiyano sa ating sariling lugar at lipunan. Ang misyon ay hindi rin lamang tungkol sa pagsasalita o pagtuturo, kundi pati na rin sa pakikinig at pakikipag-ugnayan sa iba. Ang misyon ay hindi rin lamang tungkol sa pagbibigay o pagtulong, kundi pati na rin sa pagtanggap at pagkatuto mula sa iba. Mga kapanalig, sa Pandaigdigang Araw ng Misyon, inaanyayahan tayo ni Hesus na dapat nating gamitin ang mga biyaya at talento na ibinigay sa atin ng Diyos, upang maglingkod sa kanya at sa kanyang bayan. Dapat nating ibahagi ang ating pananampalataya at pag-ibig sa lahat ng tao, lalo na sa mga hindi pa nakakakilala kay Kristo. Dapat nating maging mga saksi ni Kristo, na siyang nagpadala sa atin upang magmisyon. - Fr. Rolly Garcia Jr. – Director of Biblical Apostolate of the Arch. of Manila
Embed this episode
Ready to play
Mabuting Balita l Oktubre 22, 2023 – Ika-29 l Linggo sa Karaniwang Panahon
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.