EPISODE · Oct 24, 2023 · 4 MIN
Mabuting Balita l Oktubre 25, 2023 – Miyerkules l Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Oktubre 25, 2023 – Miyerkules l Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Lucas 12:39-48 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Isipin ninyo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana n’ya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi Ninyo inaakala.” Sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino mo ba sinasabi ang talinhagang ito, sa amin ba o sa lahat?” Sumagot ang Panginoon: “Isipin ninyo ito: may tapat at matalinong katiwala na pangangasiwaan ng panginoon sa kanyang tauhan para bigyan sila ng rasyon sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan s’ya nitong tumutupad nang gayon, mapalad ang lingkod na iyon. Talagang sinasabi ko sa inyo, pangangasiwain s’ya nito sa lahat nitong ari-arian. Ngunit maaari namang maisip ng lingkod na iyon: ‘Matatagalan pang dumating ang aking panginoon.’ At simulang pagmalupitan ang mga utusang lalaki at babae, at kumain, uminom at maglasing. Ngunit darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na di inaasahan at sa oras na di n’ya nalalaman. Palalayasin n’ya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga di-dapat. Maraming hampas ang tatanggapin ng katulong na nakaaalam sa kalooban ng kanyang panginoon pero hindi naghanda ni sumunod sa kalooban n’ya. Kaunti lang naman ang tatanggapin ng walang nalalaman sa kalooban n’ya ngunit gumawa ng mga bagay na dapat parusahan. Hihingan nga ng marami ang binigyan ng marami at hihingan nang higit ang pinagkatiwalaan nang higit.” Pagninilay: Ang Mabuting Balita sa araw na ito ay napakahalagang paalala at pagsusuri ng ating sarili, sa kung papano natin ginagawa ang mga bagay na ipinagkakatiwala sa atin. Maganda rin namang masabihan kang napaka-responsable mong tao. Pero hindi lang ang pagiging responsable at magaling ang mahalaga kay Hesus, kundi higit sa lahat, ang pagiging tapat o (faithful). Katapatan na bunga ng buong tiwala, at pagpapahalaga sa malalim na relasyon, ng isang taong nagbibigay ng tiwala sa Kanya. Ang taong tapat ay responsable, hindi lang sa trabaho, kundi may pagpapahalaga din ito sa kapakanan ng mga kasama nito sa anumang gawain – dahil sila rin ay ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Nawawala ang pagiging makasarili sa ganitong disposisyon. Mas katiwa-tiwala at laging handa sa pagdalaw ng Diyos sa ating buhay. Manalangin tayo: Panginoong Hesus, gabayan nawa kami ng aming pananampalataya sa iyo para maging tapat at may pagpapahalaga sa lahat ng bagay at mga taong ipinagkakatiwala Ninyo sa amin. Amen. - Sr. Reajoy San Luis, fsp l Daughters of St. Paul
Embed this episode
Ready to play
Mabuting Balita l Oktubre 25, 2023 – Miyerkules l Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.