EPISODE · Oct 6, 2023 · 4 MIN
Mabuting Balita l Oktubre 7, 2023 – Sabado l Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Oktubre 7, 2023 – Sabado l Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Lucas 1:26-38 Nang ikaanim na buwan, ang Anghel na si Gabriel ay inutusan ng Diyos sa isang lungsod ng Galilea na tinatawag na Nazaret, sa isang birhen naidulog na sa isang lalaki sa lahi ni David na ang pangalan ay Jose at ang pangalan ng birhen ay Maria. Pagpasok niya sa kinaroroonan ng babae ay sinabi niya: “Aba, Puspos ka ng biyaya! Ang Panginoon ay sumasaiyo.” Sa mga pangungusap na ito, si Maria ay nagitla at pinagdili- dili ang kahulugan ng gayong bati. Dapatwa’t sinabi sa kanya ng anghel: “Huwag kang matakot Maria, sapagkat naging kalugod-lugod ka sa mata ng Diyos. Tingni maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na tatawagin mong Hesus. Siya ay magiging dakila at tatawaging Anak ng kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang luklukan ni David na kanyang Ama. At maghahari siya sa sambahayan ni Jacob magpakailaman, at walang katapusan ang kanyang kaharian.” Winika ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong wala akong nakilalang lalaki?” “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng kataas-taasan kaya ang ipapanganak ay magiging banal at tatawaging Anak ng Diyos. At tandaan mo ang kamag-anak mong si Isabel ay naglihi rin ng isang lalaki, sa kanyang katandaan at yaong tinatawag na baog ay nasa ikaanim na buwan na niya, sapagkat sa Diyos ay walang bagay na di mangyayari. “Narito ang lingkod ng Panginoon, maganap nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel. Pagninilay: “Aba, Puspos ka ng biyaya, ang Panginoon ay sumasaiyo”. Ito ang pagbati ng anghel kay Maria sa ating Mabuting Balita ngayon, na napapaloob sa unang bahagi ng Aba Ginoong Maria, na ating paulit-ulit na dinarasal tuwing nagsasanto-rosaryo tayo. Kaya kapanalig, hindi inimbento lamang ng simbahan ang dasal na Aba Ginoong Maria. May biblical basis ito. Kaya tuwing dinarasal natin ito, ginugunita natin ang pagbibigay pugay ng anghel kay Maria nang ibalita nito sa kanya na maglilihi sya at manganganak ng isang lalaki, na tatawaging Hesus. Kahit hindi ganap na malinaw ang mensahe ng anghel, walang takot siyang tumugon ng, “Ako’y alipin ng Panginoon, mangyari sa akin ang iyong sinabi”. Nang tinanggap ni Maria ang pagiging ina ng Diyos higit syang pinagpala at naging daluyan ng biyaya para sa ating mga nananalig sa kanyang mga panalangin. Nakakalungkot lang, dahil bihira na yata sa pamilyang Filipino ngayon ang sama-samang nagdarasal ng santo rosaryo. Minsan kasi hindi agad naa-appreciate ng mga bata ang pagsasanto-rosaryo, dahil mahaba at paulit-ulit. Kaya nga, may ilan dyan na nakaranas muna ng kurot ng lola, bago natutong magsanto rosaryo. Lalo na sa panahon ngayon na babad sa electronic gadgets ang mga kabataan. Parang mahirap nang maghanap ng oras na bitiwan muna ang celphone upang magdasal ang pamilya. Mga kapanalig, tandaan natin, “the family that prays together, stays together”. Mabisang panlaban ang dasal na ito, sa tukso ng demonyo lalo na sa pamilyang nakakaranas ng mga matinding pagsubok sa buhay. Hahadlangan tayo ng demonyo, dahil alam nito na ang tunay na debosyon kay Mama Mary, ay magdadala sa atin palapit kay Hesus. - Sr. Lou Ranara, fsp l Daughters of St. Paul
Embed this episode
Ready to play
Mabuting Balita l Oktubre 7, 2023 – Sabado l Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.