EPISODE · Oct 7, 2023 · 4 MIN
Mabuting Balita l Oktubre 8, 2023 – Ika-27 l Linggo sa Karaniwang Panahon
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Oktubre 8, 2023 – Ika-27 l Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: MATEO 21: 33-43 Sinabi ni Hesus sa mga Punong-pari at mga Matatanda ng mga Judio: “Makinig kayo sa isa pang halimbawa; May isang may-ari ng bahay na nagtanim ng ubasan, binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantay. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang kanyang bahagi sa ani. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan. Nagpadala uli ang may-ari ng marami pang katulong subalit ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pag-aakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.’ Kaya sinunggaban nila siya, at inilabas sa ubasan at pinatay. Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka?” ‘Hindi niya kaaawaan ang masasamang taong iyon. Pupuksain n’ya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng kanyang kaparte sa anihan.’” At sumagot si Hesus: “Hindi n’yo ba nabasa sa kasulatan? ‘Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon; at kahanga-hanga ang ating nakita.’ Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang Kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito.” Nang marinig ng mga Punong-pari at mga Pariseo ang mga talinhagang ito, nauunawaan nila na sila ang pinatutungkulan ni Hesus. Huhulihin na sana nila s’ya, ngunit natakot sila sa mga tao na kumikilala sa kanya bilang Propeta. Pagninilay: Napakinggan natin sa Mabuting Balita ngayong Linggo, ang isang talinghaga mula sa ating Panginoong Hesus. Ang talinghaga ay tumutukoy sa kasaysayan ng Israel, bilang ubasan ng Diyos na dapat sana ay nagbubunga ng katuwiran at kabanalan, pero sa halip ay nagbunga ng kasamaan at karahasan. Ang mga magsasaka ay kumakatawan sa mga namumuno sa Israel, na hindi nagbibigay ng tamang ani sa Diyos, kundi inaangkin ang lahat para sa kanilang sarili. Ang mga alipin na sinugo ng may-ari ng ubasan, ay ang mga propeta na pinadala ng Diyos upang pagsabihan ang mga magsasaka, pero sila ay hinamak, pinahirapan, at pinatay. Ang anak na lalaki ng may-ari ay si Hesus mismo, na ipinadala ng Diyos bilang huling pagkakataon upang iligtas ang mga magsasaka, pero sila ay nagplano na patayin siya at kunin ang kanyang mana. Mga kapanalig, ang aral ng talinghaga ay ang paghatol ng Diyos sa mga taong hindi sumusunod sa kanyang kalooban, at hindi tumatanggap sa kanyang biyaya. Ang paghahari ng Diyos ay aalisin sa kanila, at ibibigay sa ibang bansa na magbubunga nang nararapat. Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siya ring naging batong panulok, na tumutukoy kay Hesus bilang pundasyon at tagapagligtas ng bagong bayan ng Diyos. Ang talinghaga ay isang paanyaya sa atin na magpakumbaba, at magpasalamat sa Diyos na nagbigay sa atin ng kanyang Anak, upang tubusin tayo at bigyan ng buhay na walang hanggan. Ang talinghaga ay isang hamon din sa atin na maging tapat at masipag na magsasaka sa ubasan ng Diyos, na nagbibigay sa kanya ng karapat-dapat na ani ng pananampalataya, pag-ibig, at paglilingkod. - Fr. Rolly Garcia Jr. – Director of Biblical Apostolate of the Arch. of Manila
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Oktubre 8, 2023 – Ika-27 l Linggo sa Karaniwang Panahon
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.