EPISODE · Feb 18, 2024 · 4 MIN
Mabuting Balita l Pebrero 19, 2024 – Lunes l Unang Linggo ng Kuwaresma
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Pebrero 19, 2024 – Lunes sa Unang Linggo ng Kuwaresma San Conrado ng Piacenza Ebanghelyo: Mt 25:31-46 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ang lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono. Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay niya ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwalayin ang mga tao. Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa. Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya: 'halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. Sapagkat nagutom ako at inyong pinakain, nauuhaw ako at inyong pinainom. … nang may sakit ako, binisita n'yo ako. Nang ako'y nasa bilangguan, dinalaw n'yo ako.' “At itatanong sa kanya ng mabubuti; 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom... maysakit o nasa bilangguan at nilapitan? Sasagutin sila ng Hari: ''Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.' Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya: 'Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko... Sapagkat nagutom ako... maysakit at nasa bilangguan at di n'yo binisita.' “Kaya itatanong din nila: 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom... at di namin pinaglingkuran? Sasagutin sila ng Hari: 'Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang di n'yo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi n'yo ginawa sa akin.' “At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.” Pagninilay: Isa sa mga pinakapaborito kong musical sa Broadway ay ang “Les Miserables”, na batay sa nobela na isinulat ni Victor Hugo. Isa sa mga “miserable” dito ay si Fantine na maagang namatay dahil sa pagkasadlak sa kahirapan. May iisa siyang anak na inampon ng pangunahing “miserableng” tauhan na si Jean Valjean. Naaalala ko nga na sa eksena kung saan mamamatay na si Jean Valjean, si Fantine ay nagpakita sa kanya at naging kanyang tagasundo patungong langit. Nakakapangilabot ang kanilang huling duet kung saan kanilang inawit ang katagang “To love another person is to see the face of God.” Ito mismo ang aral na nais ituro sa atin ng ating Panginoon sa Mabuting Balita ngayon. Sa ating pagsisimula ng banal na panahon ng Kwaresma, inaanyayahan tayong maging mas konkreto sa ating pagmamahal sa Diyos, sa pamamagitan ng pagmamahal sa ating kapwa. Sa katunayan, ito ang magiging batayan ng Panginoon sa kanyang paghuhukom sa atin sa wakas ng panahon – ang saligan ng pagmamahal. Sa tuwing taos at lubos ang ating pagmamahal sa kapwa, lalo na sa ating mga kapatid na walang-wala at kapos sa buhay, naisasabuhay sa ating paggawa ang pananampalatayang ating ipinahahayag. Mga kapanalig, hindi lamang sa panalangin makikita ang Diyos; mababanaag at mayayakap din natin Siya, sa tuwing pinipili nating mahalin ang kapwa – lalo’t higit ang itinuturing na ‘di kamahal-mahal. Pag-ibig ang pumapagindapat sa ating hindi karapat-dapat, dahil ang may mukha at pangalan ang pag-ibig: si Kristo Hesus na nakabayubay sa krus.
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Pebrero 19, 2024 – Lunes l Unang Linggo ng Kuwaresma
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.