EPISODE · Sep 9, 2023 · 4 MIN
Mabuting Balita l Setyembre 10, 2023 – Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Setyembre 10, 2023 – Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon #MabutingBalita #DaughtersOfStPaulPhilippines #PaulinesPH Ebanghelyo: Mateo 18:15-20 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para lutasin ang kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi pa rin s’ya makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano. Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian n’yo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan n’yo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit. Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Pangalan ko, kapiling nila ako.” Pagninilay: Ngayong araw, binibigyang-diin ni Hesus ang kahalagahan ng pagpapatawad at pagkakaisa. Sa Mabuting Balita, itinuturo sa atin ni Hesus ang tamang proseso ng pagtutuwid ng mali o pagkakasala, sa pagitan ng mga magkapatid sa pananampalataya. Una, ipinapaalala sa atin ni Hesus na kailangang lapitan natin ng tahimik at may pagmamahal ang ating kapatid kung nagkasala ito. Hindi dapat agad natin itong i-marites sa iba o ipagkalat sa social media. Kundi, ibahagi natin ang mga pangyayari nang may pagmamahal at layuning ayusin ang pagkakamali. Pangalawa, kung sakaling hindi pa rin magka-ayos, dalhin natin ito sa harap ng iba pang mga kapatid. Magsama tayo ng mga taong may mabuting layunin at malasakit sa pagtutuwid. Huwag natin itong ikahiya, dahil ito'y para rin sa ikabubuti ng lahat. Pangatlo, sa oras na hindi pa rin matapos ang pag-uusap, isama na natin sa simbahan. Hayaan nating maging bahagi ng proseso ang ating komunidad upang maging patas at wasto ang paglutas sa anumang pagkakamali. Magkagayon, binibigyang-pansin natin ang napakagandang pangako ni Hesus: "Kung dalawa sa inyong magkakasundo dito sa lupa hinggil sa alinmang bagay na hihingin, ito'y ibibigay sa kanila ng aking Amang nasa langit." Muli, ipinapaalala sa atin ni Hesus na ang pagkakaisa at pagtutulungan ay nagdadala ng kapangyarihan at pagpapala mula sa Diyos. Mga kapanalig, alalahanin natin ang mensahe ng Mabuting Balita ngayon: magpatawad, maging tapat, at magkaisa. Sa ganitong paraan, mapananatili natin ang pagiging maligaya at mapayapa sa ating mga puso at isipan, dahil binubuklod tayo ng pag-ibig at biyayang mula sa ating Panginoon. – Fr. Brian Paul Tayag, ssp l Society of St. Paul
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Setyembre 10, 2023 – Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.