EPISODE · Sep 15, 2023 · 4 MIN
Mabuting Balita l Setyembre 16, 2023 – Sabado ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Setyembre 16, 2023 – Sabado ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Lucas 6:43-49 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno nama’y hindi makapamumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat puno sa bunga nito. Hindi makapipitas ng igos mula sa tinikan ni makaaani ng ubas mula sa dawagan. Naglalabas ang taong mabuti ng mabuting bagay mula sa yaman ng kabutihan sa kanyang puso; ang masama nama’y naglalabas ng masamang bagay mula sa kanyang kasamaan. At umaapaw nga mula sa puso ang sinasabi ng bibig. Bakit pa ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ pero hindi Ninyo naman tinutupad ang aking sinasabi? Ilalarawan ko sa inyo ang lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at tumutupad nito. May isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay ng malalim at sa batuhan inilagay ang mga pundasyon. Pagdating ng baha, hinampas ng agos ang bahay na iyon subalit wala itong lakas para yanigin iyon sapagkat mabuti ang pagkakatatag niyon. At kung may nakikinig ngunit di naman nagsasagawa, matutulad siya sa nagtatayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na wala namang pundasyon. Hinampas ito ng agos at kaagad bumagsak. Anong laki ng pagkawasak ng bahay na iyon!” Pagninilay: Mga kapanalig, tinanggap ni San Pablo, apostol na siya’y makasalanan. Pero sinasabi niya, na sa kanyang pagtanggap dito, naipapakilala niya sa iba ang liwanag ng walang kundisyong pagmamahal at pagpapatawad ni Kristo, na siyang nagkapagpanibago sa kanya. Ang kanyang naging pagbabago ay bunga ng kanyang naging pananampalataya kay Kristo. Nagbunga ito ng mas marami pang tagasunod ni Kristo, dahil sa mga naitatag niyang komunidad at nagabayang sambayanang Kristiyano. Kapanalig, papaano nagiging mabunga ang iyong buhay? What kind of fruits do you bear in life? Kung pawang kabutihan at pagpapatawad ni Kristo ang nakikita sa’yong pagkatao, masasabing tunay ka ngang taga sunod ni Kristo at ikaw ay pagpapalain. Binabago ng pagpapala ang lahat ng nadaraanan nito. Ang kasalanang nahawakan ng pagpapala at nagbunga ng pagbabago, ay maaaring maging isang pagpapaalala sa kapangyarihan ng Diyos, at ng muling pagkabuhay ni Kristo. Kaya bawat isa sa atin ay tinatawag na maging bukas kay Hesus, at sa Kanyang nakapag-papanibagong pag-ibig, His transformative love that bears fruit. Mga kapanalig, hindi ipinapangako ni Kristo sa kanyang mga tagasunod ang isang buhay na madali lamang. Pero ang kanilang mga pagpapakasakit na binata kasama si Kristo, magbubunga ng hitik para sa simbahan, at para sa mga mananampalataya. - Fr. Edward Dantis, ssp | Society of St. Paul
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Setyembre 16, 2023 – Sabado ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.