EPISODE · Sep 3, 2023 · 4 MIN
Mabuting Balita l Setyembre 2, 2023 – Sabado ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Setyembre 2, 2023 – Sabado ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon #MabutingBalita #DaughtersOfStPaulPhilippines #PaulinesPH Ebanghelyo: Mateo 25:14-30 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ipagpalagay natin na may isang tao, na bago mangibambayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka umalis. Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan sila ng pagsusulit. Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta at sinabi: ‘Panginoon ipinagkatiwala mong limang bareta sa akin at tingnan mo, tumubo pa ako ng limang talento.’ Sumagot ang amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.’ Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang talento at nagsabi: ‘Panginoon, alam kong mahigpit kang tao, inaani mo ang di mo itinanim at nililikom ang hindi mo ipinagnenegosyo, natakot ako kaya itinago ko yong talento sa lupa. Heto ang sa iyo.’ Ngunit sinagot siya ng kanyang amo: ‘Masama at walang kuwentang katulong. Kaya kunin ang talento sa kanya at ibigay ito sa may sampu pa. Sapagkat sa sinumang meron, bibigyan pa s’ya at magkakaroon ng sagana, ngunit ang wala, maging ang sa kanya ay aagawin sa kanya. Para sa walang silbing katulong, itapon siya sa dilim kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin.’” Pagninilay: Kapanalig, may isang kanta na ang sabi: “It’s not what you got, it’s how you use it.” May katotohanan, di ba? “Hindi sa kung ano ang meron ka, kundi kung paano mo’ng ginagamit ang nasa iyo na.” Sa pinagkatiwalang mga talento sa tatlong alipin, maaari natin itong tingnan sa perspektibo ng pagsusulit ng kalooban. May tatlong bagay na dapat isaalang-alang at doon ka makakapasa. Una, Utang na Loob. Sa halagang ibinigay sa iyo, matuto kang tumanaw ng utang na loob. Ikalawa, Kagandahang-loob. Sa nagbigay ng talento, iwasang maging judgmental. Kung mahigpit siya, baka may dahilan siya. Ang mahalaga, nagmamagandang-loob kang tumalima sa niloloob niya. Ikatlo, Lakas-loob. Isantabi ang takot at mga ligalig. Maging masigasig. I-push mo ang pagiging mapanlikha. Kapanalig, kung tutuusin, araw-araw mayroon tayong pagsusulit ng kalooban. Matatawag natin itong examination of conscience. Tinatawag din natin itong pagsusulit ng budhi. Para tayong gumagamit ng flashlight. Halimbawa, sa paano’ng paraan mo ipinahayag ang iyong utang na loob sa Diyos at sa kapwa? Ano’ng kagandahang-loob ang inalay mo ngayon sa iyong pamilya, o sa isang nangangailangan? Sa moment of truth ngayon, sa paano’ng paraan mo ginagamit ang iyong lakas-loob? Kay laking halaga ng kalooban na inihandog sa atin ng ating mapagkaloob na Diyos, Kaya’t pakaingatan natin para sa oras na siyasatin ng Diyos ang ating kalooban, busilak na kalooban ang kanyang matutunghayan. - Sr. Gemmaria dela Cruz, fsp l Daughters of St. Paul
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Setyembre 2, 2023 – Sabado ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.