EPISODE · Sep 22, 2023 · 4 MIN
Mabuting Balita l Setyembre 23, 2023 – Sabado | Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon
from PAULINES · host Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province
Mabuting Balita l Setyembre 23, 2023 – Sabado | Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon San Pio ng Pietrelcina, pari #MabutingBalita #DaughtersOfStPaulPhilippines #PaulinesPH Ebanghelyo: Lucas 8:4-15 Napakakapal na tao ang nagkakatipon dahil pinuntahan si Hesus ng mga tao mula sa kani-kanilang mga bayan. Kaya nagsalita siya sa talinhaga: “Lumabas ang manghahasik para maghasik ng kanyang binhi. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan at tinapak-tapakan at kinain ng mga ibon sa Langit. Nahulog ang iba sa batuhan, at nang sumibol ay nalanta dahil sa kawalan ng halumigmig. Nahulog ang iba pang buto sa gitna ng tinikan, at sa kanilang paglaki, sinikil ito ng mga tinik. Nahulog naman ang iba pa sa matabang lupa at nang sumibol ay nagbunga ng tig-iisang daan.” Pagkasabi nito’y sumigaw siya: “Makinig ang may tainga.” At tinanong siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinhagang ito. Kayat sinabi niya: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng kaharian ng Diyos, at sa iba nama’y sa talinhaga lamang para tumingin sila at hindi makakita, makinig at hindi makaintindi. Ito ang kahulugan ng talinhaga. Ang binhi ang Salita ng Diyos. Ang mga nasa tabi ng daan ang mga nakakarinig nito subalit agad namang dumarating ang diyablo; inagaw niya ang salita mula sa kanilang isipan upang huwag silang manalig na maligtas. Ang mga nasa batuhan ang mga nakakarinig na masayang tinatanggap ang salita. Ngunit wala silang ugat kaya sandali silang nananalig at tumitiwalag naman sa panahon ng tukso. Ang nahulog naman sa tinikan ang mga nakakarinig na sa pagpapatuloy nila’y sinikil ng mga kabalisahan, ng kayamanan at ng mga kasiyahan sa buhay kaya’t hindi sila nakapagbunga. Ang nahulog naman sa matabang lupa ay ang mga nakakarinig sa salita at iniingatan ito nang may dakila’t mabuting loob at nagbubunga sila sa pagtagal.” Pagninilay: Maligayang kapistahan ni San Padre Pio! Mainit na pagbati sa lahat ng kanyang mga deboto, lalo na sa parokya ng National Shrine of Padre Pio sa Batangas! Matatagpuan din ang talinghaga ng Manghahasik sa Mabuting Balita ayon kay San Marcos at San Mateo, pati na ang paliwanag tungkol dito. Pero may pagkakaiba ang talinghaga ayon kay San Lucas na narinig natin sa araw na ito. Para sa kanya, hindi panandalian o isahang desisyon ang pananampalataya. Hindi sapat ang sabihing: “I accept Christ as my Lord and Savior” para masabing Kristiyano ka. Kailangang makita ang pananampalataya sa pagkilos dahil maaaring mawala ang binhi o maglaho ang Salita ng Diyos sa buhay ng sumasampalataya. Ang natatanging katangian nito ay katapatan at tiyaga. Hindi ito kumukupas sa panahon ng pagsubok, o nasasakal ng makamundong kasiyahan. Pinangangalagaan ito ng pasensya at pagsunod sa Salita ng Diyos kaya’t lumalago at nagbubunga. Sabi nga ni San Padre Pio: “Pray, hope and don't worry.” Kailangan natin ang pananampalatayang matiyaga, umaasa, at kumikilos nang tapat. - Sr. Rose Agtarap, fsp | Daughters of St. Paul Panalangin: Panginoon, tulungan mo kaming pakinggan ang Salita ng Diyos, isabuhay ito nang may katapatan at tiyaga, upang lubusan itong magbunga na mananatili magpakailanman. Amen.
Embed this episode
NOW PLAYING
Mabuting Balita l Setyembre 23, 2023 – Sabado | Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon
No transcript for this episode yet
Similar Episodes
No similar episodes found.
Similar Podcasts
No similar podcasts found.